Launchorasince 2014
← Stories

Ako

Isang salitang,

napakadaling sabihin.

Isang salitang,

kapansin-pansin

Isang salitang,

nais kumawala

nais lumaya

nais magpakita.

Upang marinig ng mga bituin sa langit,

isang katagang nais isambit.

Ngunit wala ang salita

kulang ang salita

hindi sapat ang isang salita

upang iparinig

upang ipaliwanag

kung ano ang nilalaman

kung ano ang nais isigaw

ng mga matang nangungusap

ng mga labing nanginginig

ng mga binting umiiyak

ng mga kamay na paos

na ang tanging magagawa lamang

ay tingnan ka sa malayo.

Na tingnan ang iyong likod,

habang marahang naglalakad

papalayo.

Habang ang salitang ito'y

sumusubok na labanan ang alon

ng mga kapwang salitang nanghihila

pabalik sa pampang

pabalik sa simula

pabalik sa kung saan siya naiwan.

Mag-isa

Walang karamay,

walang kasama.

Muli niyang sinubukang hawakan ang iyong damit

marahan niyang itinaas ang kanyang mga bisig

ngunit kulang.

Kulang ang isipin niyang maabot ka niya

dahil simula pa lang alam na niyang

hindi niya makakaya.

Dahil isa lang siya.

Isang salitang mahina

Isang salitang walang lakas

Isang salitang lumuluha

Isang salitang sumuko

sa pagdating ng kadiliman

at sa pag-alis mo

ng tuluyan.


Siya ang kakaiba.

Siya ang hindi pinapakinggan.

Siya ang mag-isa.

Siya ang luluha

Siya ang naiwan

at "Ako" ay siya.