Mayroon ba talagang matamis na pag-alis?
O isa lamang itong ilusyong,
ating binabanggit?
Upang 'di gaanong maramdaman
Upang 'di gaanong masaktan
Upang 'di gaanong halatang
Pagod ka nang umiyak
sa bawat gabing dadaang
alam mo, paggising mo,
wala ka nang masisilayang
matamis na ngiti,
matamis na labi.
At ang haplos niyang
hindi mo malimutan
ang buhok niyang
paborito mong hawakan.
Ang boses niyang parang
anghel sa iyong pandinig,
na nais mo lamang ay
laging marinig.
Ngunit paano ka na ngayon?
Paano ka tutuloy
sa isang karerang magkasama kayong nagsimula?
Paano ka lalaban sa ganti ng katahimikan
kung siya ang iyong boses at ingay?
Magpapakulong ka ba sa matamis na paglisan?
O pipiliin mong magkaroon ng matamis na kinabukasan?