Tayo’y naglalakad sa dalampasigan
Kasabay ng alon na parehas nating binabantayan
Hindi maintindihan kung para saan
Maaari bang isipin naman kahit minsan?
Tayo’y napatigil at napahinto
Ako’y napatingin sa mga mata mo
Saan nga ba patungo ito?
Hindi alam kung tutuloy pa ba tayo
Tingin ay hindi man lamang lumisan
Tingin na tila nagtatanong kung hahayaan
Pilit na sinasabing dapat kitang samahan
Hanggang sa ako’y nagtanong kung “saan?”
Walang salita’y hinila ako patungo sa dagat
Malalim ang tubig na punong-puno ng alat
Hindi alam kung ito ba’y nararapat,
At ang oras ba natin ay tunay nang sapat?
Ako’y patuloy na sumama
Tanong sa isipan, “Ito ba ay tama?”
Ngunit iyo sa aking ipinadama
Na ako’y ligtas hangga’t ikaw ang kasama
Dinala mo ako sa malalim na bahagi
Kung saan alon ay patuloy sa ati’y sumasagi
Hindi alam kung ganito nga ba palagi
O tayo’y nawala lamang sa landasin ng sandali
Ang pagsama sa iyo ay malayo sa aking isipan
Iyon ang aking pagkakaalam sa nakaraan
Ako’y patuloy na nalito
Tanong sa aking isipa’y muling nabuo
“Ano nga ba ang meron sayo?”
“Bakit ba ako nagkakaganito?”
“Ako na nga ba’y nahuhulog sa iyo?”
“Bakit ako’y hinahayaan mo?”
Habang patuloy na nag-iisip
Isang malaking alon ang sa ati’y sumilip
Dali-dali ka na sa akin ay lumapit
At ako’y hinawakan ng pilit
Muli akong nag-isip at napapili
Ililigtas ba ang sarili?
O magpapaligtas na lang sa’yo?
Ngunit kung ito lamang ay iyong gusto
Papalapit na ang alon
Tayo nga ba’y makakaahon?
Aking mga mata’y ipinikit na lamang
At buhay sa iyo’y isinaalang-alang
Hanggang sa ako’y napadilat at nagising
Mula sa isang malalim na panaginip na ika’y kapiling
Malayo sa katotohanan at akin lamang hiling
Na minsan naman sana ako’y iyong isiping sagipin