Takot ako.
Hindi sa multo,
kundi sa iyo.
Takot akong sumugal, mabigo, masaktan, matalo at maiwan.
Hindi mabilang sa aking mga daliri ang mga taong nangako at nagbitaw ng mga salitang bumuo sa akin kahit panandalian lamang. Hindi mabilang ang mga oras na sila’y aking nakasama mula sa lungkot at ligaya. Pero takot ako. Takot pa rin ako.
Takot akong sumugal. Sa kahit anong aspeto, dalawa lang ang patutunguhan, magdidiwang o maiiwang luhaan. Take the risk or lose the chance. Mahirap maipit sa sitwasyong hindi mo alam. Napakaraming boses mula sa likuran ang bumubulong na sumugal ngunit napakarami rin namang anino ang sumusunod sa iyo at nag-aabang na ika’y bumitaw at tanggapin ang katotohanang baka maiwang sugatan.
Takot akong mabigo. Sa ilang beses na pagkadapa simula noong pagkabata, ilang beses pa ba? Ilang beses pa akong tatayo nang mag-isa? Ilang beses pang mauuulit na huminto sa gitna ng kalsada upang hintayin ang paghinto ng mga sasakyang rumaragasa? Ilang beses pa bang titingala sa langit kahit patuloy ang pagpatak ng malakas na ulan dahil sa kabiguan? Pwedeng isa, o dalawa, tatl-, huwag naman na sana.
Takot akong masaktan at maniwala. Mahirap maniwala sa sabi-sabi. Iba ang sinasabi taliwas ang ginagawa. Ito ang ginagawa ngunit wala man lamang pasabi. Saan ako lulugar? Hindi ko alam. Makikinig ba ako? Maniniwala? Paano? Alam kong hindi dapat magpadala sa karupukan ng damdamin. Hindi ako sigurado. Ayokong masinagan ng araw sa aking paggising at maramdaman ang mga pana sa iba’t ibang parte ng aking katawan. Hindi maibsan, hindi maiwasan. Masakit at hindi panandalian.
Takot akong matalo. Oo. Ito ang totoo. Gusto kong maging sigurado. Ayokong sumabak sa giyera na walang paghahanda, walang armas o kahit ano mang panangga. Ayokong hindi matutunang lumaban o kahit umasinta man lamang. Ayoko. Hindi ako papayag. Ayokong maging sugatan ng malubha hanggang sa maging dahilan ng aking pagkamatay. One on one? Sinong sasagip sa akin? Sinong gagamot sa lahat ng tama ko sa katawan? Alam kong hindi ang aking kalaban.
At higit sa lahat,
Takot akong maiwan. Ito ang dapat kong unahing isipin bago ko simulang alamin ang una kong kinatatakutan. Pagkatapos mong sumugal, mabigo, masaktan, at matalo, isa na lang ang natitira – ang aking sarili. Paano naman ako? Paano ‘yong sarili ko pagkatapos nitong lahat? Sino ang nariyan? Takot akong isipin na baka nabibingi lang ako. Na baka may sumasagot naman sa lahat ng mga katanungang ito ngunit mas takot ako sa kaisipang wala naman talaga at umasa lang ako.
Ayokong makaalala ng kahit anumang alaala mula sa pagtawid sa kalsada, sa pagsabay ng pag-uwi, sa paghati sa silong ng payong tuwing umuulan, sa pagbili ng mga maliliit na bagay na nagpapasaya sa akin, sa paghatid at pagsundo, at sa lahat ng mga posibleng bagay na magpaalala sa akin sa iyo.
Hindi sa ayaw ko, takot lang ako.
Mula umpisa, kahit magtiwala, hindi ko magawa.
Bakit ako tataya sa taong hindi ko sigurado kung sigurado nga ba sa akin?
Paano ko masisisiguradong sigurado ka?
Takot ka rin ba?
---------------------
Cover Illustration by Agnes Cecile