"Gusto mong makaring ng kwento?" Tanong nito sa kaibigan. Pareho silang basa ng ulan at ngayo'y nakasilong sa ilalim ng malaking puno ng mangga.
Tumingin ito sa kanya at ngumiti, kasabay nito ay ang pagtila ng malakas na ulan. Kapwa sila napatingala sa ngayo'y makulimlim pang langit at sumandal sa katawan ng puno.
"Kanina pa kita kasama pero hindi ko alam ang pangalan mo. O kung saan ka nakatira. O kung anong ginagawa mo rito. O kung bakit ka mag-isa kanina e ang dami-daming bata sa playground." Dagdag pa nito.
Kanina pa walang imik ang batang babae na nakita niya sa parke. Dala na rin ng pagiging mabait at maawain, nilapitan niya ito at nakipag kaibigan, ngunit hindi naman siya nito kinakausap.
Natakot siyang baka mainis sa kanya ang bagong kalaro kaya't nanahimik na lamang siya at niyakap ang dalawang maliliit na tuhod sabay sandal ng baba rito.
Halos limang minuto na rin silang tahimik. Ayaw pa man sanang umuwi ni Reya ngunit baka hinahanap na siya kanila. Malapit nang magdilim at pakonti na rin ng pakonti ang mga taong nakikita nila. Muli siyang lumingon sa batang babae, ayaw niyang iwan ito mag-isa kaya sinabihan niya rin ito na mauwi na lamang.
Tumayo na siya at pinagpagan ang kaniyang bestida. Akmang aalis na siya nang may humawak sa kanyang isang malamig na kamay. Napahinto siya at tiningnan kung kaninong kamay ito.
"B-bakit? Ayaw mo pa bang umuwi?" Tanong niya dito. Unti-unting nag-angat ng mukha ang kanyang kalaro, lumuluha at namumutla.
"Wag mo kong iwan."
Nagulat si Reya sa sinabi nito. Tinanong niya ito kung saan siya nakatira upang maihatid ngunit nanatili lang itong nakatitig sa kanya. Kahit isang kurap ay hindi nito ginawa.
"Gusto mo ba kong maging kaibigan?" Sa unang pagkakataon ay narinig niya itong nagsalita. Malambing at maliit ang boses nito, di gaya kanina ay mapapansin ang saya at pagkasabik dito.
Tumango-tango si Reya, lumapit siya ng kaunti at hinawakan ang magkabilang kamay nito. Nagtaka man dahil sa sobrang lamig ng mga ito ay hindi na lang niya ito pinansin.
"Gusto ko. Pero hindi naman kita kilala."
Tumingin ito ng diretso sa batang si Reya, hindi kumukurap at hindi nag-iiwas. Wari'y nakalulunod ang kanyang itim na itim na mga mata. Mas lalo pang nitong hinigpitan ang paghawak sa kamay ng kalaro. Samantalang si Reya ay unti-unti nang nakakaramdam ng kaba.
"Ako si Dase. Wala na kong tirahan at mauuwian. Araw-araw akong nandito sa parke pero walang pumapansin sakin. Lahat sila ay dinadaanan lang ako. Dalawang taon na 'ko dito. At sa tuwing anibersaryo ng pagkamatay ko, humahanap ako ng kaibigang makakalaro habang buhay."
Sa isang kisap-mata, ang kaninang maamo at nakahahabag na itsura ng batang babae ay naging madungis at napuno ng sugat ang braso't binti. Gulong-gulo ang buhok at nakaluwa ang isang mata. Sagana ang dugong umaagos mula sa ulo nito na tumutulo papunta sa magkahawak nilang kamay.
"Maligayang pagdating sa buhay ko, Reya." Saad nito na may nakakikilabot na ngisi.
Story