Launchorasince 2014
← Stories

Yakap sa Dilim

Noong bata ako, takot ako sa dilim. Kapag kailangan kong pumunta sa banyo nang madaling araw, gigisingin ko si Mama para magpasama. Dahil takot ako sa dilim. Tuwing oras na ng pagtulog at kailangan nang patayin ang ilaw, mabilis akong pumipikit at nananalangin na sana ay dalawin agad ako ng antok. Sana sa pagdilat ulit ng mga mata ko, umaga na.

Noong bata ako, gustong-gusto ko ang umaga. Sabik na sabik akong lumabas para makipaglaro sa mga kaibigan ko. Lagi kaming naghahabulan, nagtataguan, at kung minsa'y patintero. Kapag binigyan kami ng piso'y mag-uunahan kami sa pagpunta sa tindahan upang bumili ng paborito naming lollipop. Kakainin namin ito habang naglalaro ng bahay-bahayan.

Noon, ayoko ng siyesta. Lagi kong pinakikiramdaman si Mama kung tulog na ba siya. Dahan-dahan akong tatayo at maglalakad palayo. Kapag naramdaman kong nagising siya ay tsaka ako kakamot sa aking mata at hihikab na wari'y galing lang ako sa banyo bago bumalik sa paghiga. Ayoko ng siyesta. Pakiramdam ko'y inuubos nito ang aking oras na makasama ang mga kaibigan ko. Inuubos nito ang oras na maging masaya ako.

Ngayon ay hindi na ako bata. Natutunan ko nang mahalin ang dilim. Hindi ko na kailangan pang magpasama sa banyo sa tuwing gigising ako nang madaling araw. Hindi naman kasi ako natutulog. Hindi ako makatulog. Gusto kong nakadilat sa dilim. Mulat at gising ang diwa ko, nakikiramay sa namamatay kong pagkatao. Sabik ako na patayin ang ilaw at tumulala sa kawalan. Nananalangin na sana pagdilat ng mga mata ko, wala ng umaga.

Ayoko sa umaga. Maingay at nakaririndi. Masakit sa tainga ang boses ng mga tao. Hindi na ako sabik bumangon. Nakapapagod na ang makipaghabulan sa problema. Pagod na 'kong magtago sa mga bagay na gusto ko nang matapos. Pagod na 'kong makipagpatintero sa laro ng buhay. Gusto ko na lang magpahinga buong maghapon.

Bukod sa gabi, ang tanging oras na gusto kong gumising ay tuwing siyesta. Maliwanag ngunit tahimik. Malaya kong napagmamasdan ang paligid, halos wala namang pinagkaiba tuwing gabi. Ngunit kung ako ang papipiliin, pipiliin ko na lang na hindi na magising.

Noong bata ako, sa tuwing naglalaro kami ng mga kaibigan ko -- tuwing tumitingala ako ay lagi kong nakikita ang bahaghari sa kalangitan. Iniisip ko, paano kaya ako makararating doon? Ano kaya'ng pakiramdam na maabot ang ulap at magpadulas patungo sa dulo nito?

Ngayong hindi na ako bata, hindi na lamang ako sa bahaghari nakatanaw. Mas pinili kong lampasan ang pitong kulay nito at dumiretso sa bughaw na kalangitan. Iniisip ko, kailan kaya ako makararating doon.