Launchorasince 2014
← Stories

Musmos na Paos


Pagod na pagod na sa katatakbo ang tatlong bata sa isang madilim na kalye sa kanilang barangay, takot na takot at hindi alam kung saan pupunta.

"Doon yata sila nagpunta! Hanapin niyo, bilis!" malakas na sigaw ng isa sa mga humahabol sa kanila. Nakakita sila ng isang karitong may takip kaya't pilit nilang pinagkasya rito ang maliliit nilang katawan.

Basa ng pawis, natataranta ang tatlo habang pilit na pinipigilang makagawa ng kahit na anong ingay. Ang mga kamay nila'y nakatakip sa kanilang bibig, nanlalaki ang mga mata habang pinakikiramdaman ang kaganapan sa labas.

Nang masigurong wala na ang mga humahabol sa kanila ay mabilis na kumilos ang tatlo at tumakbo pauwi.

"Pasensya na kayo, nakalimutan ko 'yong narinig ko kanina na hanggang alas-sais ng gabi na lang pwede ang mga tao sa labas," wika ni Toto, ang pinakamatanda sa tatlong magkakapatid.

"Pero paano tayo magkakaroon ng pera kung hindi tayo magpapagabi sa kalsada, kuya?" tanong ni Toper. Tiningnan lang siya ni Toto, hindi rin alam ang isasagot sa tanong ng nakababatang kapatid.

"Ganito na lang, magpahinga na muna tayo. Ang alam ko ay alas-singko nang umaga pwede na ulit lumabas ang mga tao. Sulitin na lang natin 'yong mga oras na 'yon. Tutal kung walang tao, wala rin naman tayong mapapala sa lansangan, hindi ba?" sambit nito at hinayaan nang magpahinga ang dalawang nakababatang kapatid.

Nag-aalala siya para sa kanilang tatlo. Sa isip niya'y masyado pa silang bata para maranasan ang mga ito. Naiinggit siya sa mga batang nakikita niya tuwing masayang kasama ang kanilang mga magulang habang namamasyal at bumibili ng laruan. Gusto niya rin noon. Gusto niya rin ng laruan.

Maagang nagising si Toper dahil sa sakit ng kaniyang sikmura. Isang beses lamang sila kung kumain sa isang araw. Madalas na pinaghahatian nila ang isang pakete ng noodles at isang piraso ng tinapay. Hindi siya mapakali dahil parang pinipilipit ang kaniyang sikmura sa sobrang sakit. Ayaw niyang gisingin ang mga kapatid niya dahil alam niyang mag-aalala lamang ang mga ito.

Makalipas ang isang oras ay nagising na rin si Joy, ang bunso sa magkakapatid. Nagtaka ito dahil wala si Toper sa banig na hinigaan nito kagabi. Sa pag-aakalang pumunta lamang si Toper sa likod upang gumamit ng banyo ay hindi na niya ito hinanap.

Malapit nang lumiwanag at unti-unti na ring umiingay sa labas dahil naglalabasan na ang mga tao upang mamalengke. Hindi pa rin bumabalik si Toper kaya minabuti nang gisingin ni Joy si Toto.

"Kuya, gising na," marahan nitong tapik. "Kuya, si kuya Toper kanina pa hindi bumabalik," mas malakas na tapik na ang ginawa nito kay Toto upang magising ito agad.

Mabilis na bumangon si Toto nang maalala kung ano'ng oras na at wala sa sariling tumingin kay Joy.

"Nasaan si Toper?" tanong nito matapos ilibot ang paningin at hindi nakita ang isa nilang kapatid.

"Hindi ko nga rin alam, e. Kanina pa siya wala riyan," sagot ni Joy.
Napahampas na lamang sa ulo si Toto dahil naisip niyang baka lumabas ito nang hindi nagpapaalam.

Dahil malapit nang sumikat nang husto ang araw ay sinabihan niya si Joy na magpunta na sila sa dati nilang pwesto. Hindi na muna niya hahanapin si Toper dahil sigurado siyang susunod naman ito sa kanilang pwesto mamaya.

Dahil na rin sa naipatupad na lockdown ay nabawasan na ang mga taong lumalabas kung hindi naman kailangan. Dahil dito ay kaunti na lamang ang kinikita nila sa pamamalimos. Kung minsan pa ay may mga pulis na nakabantay kaya't kinakailangan nilang magtago pansamantala. Hindi na sila pinapayagang manlimos dahil ang sabi ay kailangang magkaroon ng sapat na espasyo ang bawat tao.

Magtatanghali na ngunit hindi pa rin pumupunta si Toper sa kanilang pwesto sa may gilid ng tindahang pansamantalang nakasara. Pinagtabi pa nila ito ng tinapay na lagi nilang pinaghahatian. Nag-aalala na ang magkapatid kung saan ito nagpunta. Kung sana ay normal na araw lang ito kung saan malaya silang nakapanlilimos ay hindi na magtataka si Toto dahil mahilig talagang umalis sa pwesto si Toper. Ngunit iba ang araw na iyon.
Ang kaba ni Toto ay unti-unti nang napapalitan ng takot.

"Joy, hahanapin ko lang si Toper. Kapag malapit nang dumilim at hindi pa ako bumabalik, magmadali ka na sa pag-uwi," mabilis na sabi nito sa bunsong kapatid. Dali-dali itong tumakbo upang hanapin si Toper at iniwan si Joy na nag-iisa.

Hapon na at wala pa rin si Toto at Toper. Hindi alam ni Joy ang kaniyang gagawin dahil ngayon lang siya naiwang mag-isa. May lumapit sa kaniyang dalawang tanod at tinanong kung bakit nasa labas siya.

"Hinihintay ko po ang mga kuya ko rito," natatakot na sagot ni Joy.

"Nako, hija, kasama namin ang mga kuya mo,” nagtinginan ang dalawa. “Halika sumama sa amin, dadalin ka namin sa kanila," sambit nito. May nakalolokong tono ang pananalita at wari'y nakaporma ng ngiti ang mga labi nitong natatakpan ng takip sa mukha.

Hindi pa man din pumapayag si Joy ay bigla na lamang siyang hinila ng mga ito. Sinubukan niyang pumalag ngunit tinakpan nila ang bibig nito.

"'Wag kang maingay kung gusto mo'ng makita ang mga kapatid mo," mahinang bulong ng isa sa mga tanod sa maliit na tainga ni Joy. Inakay nila ito at walang may alam kung saan siya dadalin.

Madilim na nang makabalik si Toto sa tagpi-tagping tabla na tinitirahan nila. Bigo siyang mahanap si Toper. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang makitang wala rin doon si Joy. Gabi na at hindi na pwedeng lumabas sa mga oras na iyon. Hinalughog niya ang apat na sulok ng bahay ngunit walang kahit na anong bakas ni Joy.

Parang mababaliw sa pag-aalala si Toto. Nawalan na sila ng mga magulang at ayaw niyang mawala rin ang mga kapatid niya.

Tandang-tanda pa niya kung paano nawala ang ama nila. Punong-puno ng dugo ang paligid nito at may karatulang hindi niya mabasa ang nakasulat. Nakapalibot ang mga taong umuusisa sa nangyari. Walang naglakas-loob na lumapit maliban sa kaniyang ina. Naaalala pa ni Toto kung paano nito pilit na ginigising ang asawa, kung paanong ang sigaw ng paghihinagpis na lang nito ang tanging maririnig sa maingay na siyudad.

Isang buwan lamang ang nakalipas noong iwan naman sila ng kanilang ina. Ang sabi raw ng mga pulis ay sumugod ito sa presinto at nanggulo. Habang pinakakalma raw nila ito ay bigla itong nang-agaw ng baril at isa-isa silang tinutukan. Dahil sa nangyari ay ninais nilang protektahan ang kanilang mga sarili kaya't nauna na silang nagpaputok ng baril. Sa madaling salita, nanlaban daw ito at wala silang ibang pagpipilian kung hindi ang paslangin ito. Ngunit alam ni Toto na hindi ito magagawa ng sarili niyang ina. Ang mga pulis mismo ang nagpapunta rito sa presinto para raw kausapin tungkol sa pagkasawi ng asawa. Hindi nila alam na 'yon na rin pala ang huling beses na makakasama nila ito.

Dahil sa nangyari ay naiwan kay Toto ang dalawang nakababatang kapatid. Sampung taon pa lamang siya noon habang si Toper ay pito, at si Joy ay limang-taong gulang.

Mabilis siyang tumakbo papunta sa presinto kahit na alam niyang maaari rin siyang mapahamak. Ang tanging nasa isip lang niya ngayon ay mahanap ang dalawang kapatid.

Bago pa man siya pumasok sa loob ay huminga siya nang malalim. Pilit niyang tinatatagan ang loob dahil sa kagustuhang mahanap sina Toper at Joy.

"May nagpunta o dinala ho ba rito'ng dalawang bata? Isang lalaki at isang babae?" tanong nito sa nanginginig na boses.

Nagkatinginan ang mga pulis na pinagtanungan niya. Sumenyas ang pulis na malaki ang katawan sa kasamahan niyang may hawak na libro kung saan nakasulat ang mga dinadala roon.

"Ano nga'ng pangalan ng mga hinahanap mo, bata?" tanong nito kay Toto.

"Toper po. Toper at Joy."

"Buong pangalan?" tanong ulit nito.

"Christopher dela Cruz at Joy dela Cruz po."

Makailang ulit din nagpabalik-balik ang pulis sa mga pahina ngunit hindi niya nahanap ang mga pangalang binanggit ni Toto.

Unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa. Bigla na lang naglaho ang dalawa niyang kapatid at hindi niya alam kung saan hahanapin ang mga ito.

Umuwi siyang malungkot habang umaagos ang mga luha. Natatakot siya para sa mga ito. Hindi mawala sa isip niya na may nangyari nang masama sa kanila.

Hindi pa man din tuluyang nakapapasok sa loob ay may narinig na siyang mga hikbi. Wari'y may umiiyak na babae sa loob ng kanilang tirahan. Dali-dali siyang pumasok at nakita si Joy sa isang sulok. Nakaupo ito habang yakap ang mga tuhod, nakayuko at umiiyak.

"Joy? Ano'ng nangyari? Saan ka galing? Bakit ka umiiyak?" sunod-sunod na tanong ni Toto. Tiningnan niya kung may galos ba ito sa buong katawan ngunit dahil madilim ay hindi niya ito makita nang maayos.

Nababahala man ay nakahinga naman nang maluwag si Toto dahil sa wakas ay nakauwi na rin si Joy. Ngunit bumalik ang takot niya nang maalala si Toper na hindi pa rin niya alam kung saan nagpunta.

Hindi sumagot si Joy sa mga tanong ni Toto. Minabuti na lamang niyang patulugin na ito nang sa gayon ay makapagpahinga na rin. Naging mahaba ang araw ni Toto. Ilang sandali pa ay binalot na rin siya ng antok.

Ilang linggo na ang nakalipas mula noong nawala si Toper at hindi na rin muling nakausap ni Toto si Joy. Ayaw nitong magsalita at lagi lamang nakatulala.

Isang gabi habang tumatakbo si Toto pauwi ng bahay ay nadapa ito at naabutan ng mga humahabol sa kaniya. Sumigaw ito ngunit tila walang nakarinig sa kaniya. Nagpumiglas, ngunit nauubusan na rin siya ng lakas.

Walang may alam kung ano na ang nangyari kay Toto matapos ang gabing iyon. Ang usapan sa kanilang baranggay ay dinala raw sa DSWD dahil wala nang mga magulang at menor de edad pa. Ang iba naman ay sinasabing kusa lang itong umalis at iniwan ang bunsong kapatid dahil hindi na niya kayang alagaan pa ito.

May umikot din na balita na nagsasabing bago pa man sumikat ang araw noong araw na iyon, nahimatay si Toper sa gitna ng kalsada. May humintong itim na kotse at agad siyang isinakay rito. May nakapagsabi na dinala raw siya sa ospital, pagkatapos noon ay wala nang may alam ng mga nangyari.