Launchorasince 2014
← Stories

Bukang-liwayway

Sinabi mo sa'kin noon na paborito mo ang bukang-liwayway. Kaya naman tuwing may oras ka, bumabangon ako ng maaga at inihahanda ang paborito mong empada para samahan kang panoorin ang pagsikat ng haring araw, ang pagsakop ng liwanag sa langit. Pero sa totoo lang, mas na e-engganyo akong panoorin kang mamangha. Mas gusto kong pagmasdan kung paano tumama ang sikat ng araw sa iyong mukha.

Nabanggit mong para sayo, bukang-liwayway ang sumisimbolo ng pagbangon at panibagong pag-asa. Sinabi mong walang parehong bukang-liwayway. Sa iba't-ibang paraan at larawan sumisikat ang araw. Sa iba't-ibang paraan lumiliwanag ang langit, pero iisa ang ganda. Ngunit para sa'kin, ang bukang liwayway lang na naiba ay yung umagang hinalikan kita. Saksi ang haring araw sa mga pangako at sikretong sinambit natin sa isa't-isa. Nakabuo tayo ng tahanan sa ilalim ng mga alapaap habang ang langit ay nagliliwanag.

Pero isang araw, bigla ka nalang nawala. Biglang hindi ka na nagpakita. Hindi tulad ng bukang-liwayway ang paglisan mo, walang pangako ng muling pagsikat ang pag-alis mo. Walang pasabi. Walang paalam. Ang naiwan lang sa umagang iyon ay ang katahimikan ng pagkawala mo. Pinakamahirap siguro, dahil hindi ko alam kung may hihintayin pa ako.

Ilang umaga na ang lumipas, kahit na hindi sigurado, hinihintay ko parin ang bukang-liwayway ng pagbalik mo. Madami na rin akong akdang naisulat patungkol sayo at sa mga umagang masaya tayo. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na ako sigurado kung ano ang mas masakit. Ang paglisan mo nang walang pasabi o ang bumalik ka na parang walang nangyari?