Launchorasince 2014
← Stories

Dalhin mo akong muli sa pahina kung saan natapos ang lahat.

Dalhin mo akong muli
sa gula-gulanit na pahina
ng kwadernong
pinaglimbagan mo ng mga tula
at iheleng muli sa awit
ng mga hinabi mong salita.

Dalhin mo akong muli
sa pahina kung saan ang
talinhaga ng ating pagmamahalan
ay nagtutugma pa.
Sa pahina kung saan
kakampi pa natin
si Kupido at ang tadhana,
ang mga alapaap,
at si Bathala.

Dalhin mo akong muli
sa pahina kung saan
ang mga pangakong sinambit
ay hindi pa napapako.
Kung saan hindi pa durog
ang ating mga puso.

Dalhin mo akong muli
sa pahina kung saan sapat
ang pagiging saksi ng
buwan at mga bituin 
sa pag-iibigan nating dalawa.
Kung saan sapat na
mahal mo ako at mahal kita,
kung saan sigurado ka pa.

Dalhin mo akong muli
sa gula-gulanit na pahina
ng kwadernong minsan mong
pinaglimbagan ng pangakong
habang buhay ay tayo.
Pagkatapos ay ilipat mo
sa pahina kung saan
natapos ang habang buhay
na pinangako mo.

Saka mo ako dalhin
sa pahina kung saan
naging kulang ang sapat---
kung saan natapos ang lahat.

Dahil baka doon ko matanto
na mga salita mo nalang
ang naiwan sa mga pahina
ng kwaderno kung saan ang
ating kwento'y minsang nanahan.
Baka doon ko matanto
na may bago ka ng sinusulatan---
may bago ng tahanan.

Dalhin mo ako sa pahina
kung saan naging kulang
ang higit pa sa sapat.
Dahil baka doon ko matanggap
na hindi na kwento nating dalawa
ang gusto mong mabasa,
at hindi na ako
ang paborito mong tula,
at ang talinhaga
ng iyong pag-ibig ay
sa iba na tumutugma.