Launchorasince 2014
← Stories

Emmaus (tulang prosa)

Pinakatumatak sa isip ko noong nakaraang recollection namin para sa Theo 141 ang paglalakbay papuntang Emmaus. Noon tungkol sa discernment ang recollection, kaugnay ng karanasan namin sa nagdaang immersion. Iniisip ko noon walang nakatakdang Emmaus at Jerusalem para sa bawat tao. Bagaman papalayo bilang lugar ang Emmaus sa Jerusalem, dito namang hindi inakalang makikita ng mga disipulo si Hesus. Takot. Ito raw ay makapaghahambing sa aming magsisipagtapos na mga estudyante sa mga disipulo. Takot. Hindi alam ang gagawin. Ang eksena, kundi segundong pinakatumatak sa aking isip sa loob ng naratibo ay ang biglaang pagkawala muli ni Hesus sa iglap na makilala siya ng kanyang mga disipulo. Buhay siya, nandoon siya. Bagaman agad siyang nawala sa kanilang paningin. Heto yung ayaw ko. Ang sasabayan sa paglalakad at matapos ay iiwanan sa ere. Tunay na maihahambing sa kahit na sinong tao sa kalye si Hesus kung gayon. Ngunit turo nga sa amin, umakyat sa langit ang nagkatawang-tao, at bumaba naman ang espiritu. Mapalad ang mga naniniwala kahit at sa kabila ng hindi pagkita. Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang kundi sa pagsisikmura ng kanyang katawan, sa paggusto at paghangad ng makapagbibigay-sustansya at substansya sa kanya.

Pero leche, napakadaling sabihin yun pero napakahirap ilugar sa mas ispesipikong paraan. Hindi ko alam kung saan mo ba ako dadalhin, at ang pinakamalaking takot ko ay kung dinadala mo ba ako. Hanggang ngayon pa rin ba kasama ka namin? O napag-iwanan na ba tayo ng panahong patungong Norte o Timog habang magkabila tayong naglalakad sa Silangan at Kanluran? Nais ko sanang maniwalang paikot ang mundo, na ang paglayo ay balang araw makikita rin ang pagbalik.