Tanda. Salitang-ugat. Maaaring mangahulugang pag-alala.
Pag-alala. Pangalan. Marapat na mangyari sa isang pagsusulit.
Tumanda. Pandiwa. Nangangahulugang nadagdagan ang edad ng tao. O kung hindi man tao, nilalang na buhay o dating buhay. Maaaring nakalipas na mga kaarawan.
Tumatanda. Pandiwa. Tumutukoy sa pagdagdag ng araw, linggo, buwan, taon, sa edad ng nilalang na buhay o dating buhay. Maaaring paunti-unting pag-agnas ng bangkay sa kanyang hantungan.
Tatanda. Pandiwa. Panghinaharap. Nangangahulugang ang edad ng nilalang na buhay o dating buhay ay madaragdagan pa.
Tumanda. Hindi pandiwa kung hindi pangnakaraan. Walang maaaring mag-utos ng “tumanda ka” sapagkat kusang nangyayari at mangyayari ang pagtanda.
Pagtanda. Ang mismong pagdagdag ng edad. Maaaring may kasamang pagdagdag ng peklat, sugat, at hapdi.
Tanda. Pagkatapos ng hapdi, sugat, at maging peklat.
Ang hapdi at sugat ay mismong mga tanda. Sila ay nagiging peklat.
Ang hapdi, sugat, at peklat ay mga tanda. Sila rin ay mga pananda.
Tanda. Edad. Ng musmos, ng binatilyo, ng matandang lalaki. Ng mga taong nasa pagitan. Maaari ring “ng musmos, ng dalagita, ng matandang babae”.
Nagtanda. Pandiwa. Nangangahulugang nadagdagan ang karanasan at karunungan. Ayon sa matatanda.
Nagtatanda. Pandiwa. Tumutukoy sa papuring malimit bigkasin ng matatanda. Tumutukoy rin sa pangungutyang madalas bigkasin ng mga nakatatanda ng ilan lamang na taon. Binatilyo sa musmos.
Magtatanda. Pandiwa. Maaaring wala sa diksyunaryo ng matatanda. Ginagamit bilang pangutya. Nakakatandang binatilyo sa binatilyo.
Pagkalimot. Hindi sinasadyang hindi pag-alala ng tamang sagot. Sa pagsusulit sa paaralan. Sa pakikitungo sa nakatatanda.
Marka. Maaaring tanda o palatandaang tutulong sa pag-alala ng leksyon. Maaaring bagsak. Maaaring basag na salamin. Magtanda.
Tinandaan. Maaaring hindi malilimutan. Maaaring nalilimutan na. Maaring nalimutan o hindi talaga alam. Sa isang buong taon, buwan, linggo, o isang araw, inalala.
Tinatandaan. Kasalukuyang sadyang inaalala. Maaaring inaalala na pagtanda o pagtanda sa kakatanda.
Tatandaan. Hindi pa naaalala sapagkat hindi pa nalilimutan. Pagsabi sa sariling maging maalalahanin. Pag-utos sa sariling magtanda. Matuto. At hindi sapat ang “sa pagkakaalala ko”.
Tandaan. Ang dapat gawin.
Sugat. Maaaring pangunahan ng hapdi. Hapdi. Maaaring pangunahan ng sugat. Sugat. Nawawala o nagiging peklat. Peklat. Maaaring magaling. Maaaring mahapdi.
Natandaan. Pandiwa. Hindi sinasadyang pag-alala. Maaaring kanais-nais ang alaala. Maaaring alalahanin ang alaala. Sampung taong makalipas.
Natatandaan. Kasalukuyan. Pandiwang nagpapahiwatig:
Na pandiwa nga rin pala ang tinandaan, tinatatandaan, tatandaan, at tandaan.
Na dati ring may buhay ang dating matatandang ngayong bangkay.
Na dati ring binatilyo ang kasalukuyang matanda.
Na dati ring silang tao.
Na dati ring binatilyo ang dating musmos na ngayo’y nagbabalik-tanaw.
Susubukang tandaan:
Na ang paglimot sa hapdi at sugat na mga alaala ay pananda at pangharang sa hapdi at sugat.
Na ang sadyang paglimot ay pagtago ng mga peklat na nagdiwang na ng kanilang mga kaarawan.
Na ang mga salitang “sila” at “kanila” ay dapat tumutukoy sa mga tao, buhay o bangkay. Na ang mga taong ito ay higit pa sa peklat, sugat, at hapdi.
Na balang araw ang ngayong nakatatanda na dating musmos at binatilyo lamang ay magiging matanda. Ay tatanda.
Na ngayo’y walang mag-uutos sa kanya. Kusa siyang tatanda. Siya lamang ang makasasagot kung siya ay magtatanda.
Magtatanda bago maagnas bilang bangkay. Bangkay. Nakaranas ng peklat, sugat, at hapdi.
***
Nailathala sa Heights bilang 1 tomo 64 noong Nobyembre 2016.