Ano ang naalala mo tuwing bumibili ka sa tindahan? Ako tatlong bagay lang ang paninda, tindahan, ang nagtitinda.
Sa wakas ay nakalabas na rin ako ng bahay dahil pinabibili ako ng aking nanay ng mantika. Naglalakad ako mula sa eskinita ng aming bahay, hindi naman makipot ang daan dito ngunit nahahati ito sa gitna dahil sa isang kanal na halos kulay itim na ang makikita mong dumadaloy na tubig, gumawi ako pakaliwa na kinaroroonan ng bahay at tindahan nila Aling Shion, kilala rin sa tawag na Aling Bingi, bago makarating doon ay dadaanan mo muna ang bahay ng kasera namin sapagkat kami ay nangungupahan.
"Pabili nga po ng sampung piso na mantika." Sabi ko pa ng medyo may kalakasan.
Hindi naman ako pinansin ng mga tindera kaya inulit ko ulit ito. Mukhang abala sila sa panunuod sa kanilang telebisyon.
"Pabili nga po ng sampung piso na mantika."
"Ha? Ano yung binibili mo?" Pagpansin ni Aling Shion at lumapit sa akin.
"Mantika po, sampung piso." Bahagya ko na nilakasan ang aking tinig upang kanyang marinig, ngunit imbes na matuwa ito ang namutawi sa kanyang labi.
"Bastos ka, sinisigawan mo ako?"
"Hindi po." Sagot ko dahil hindi naman talaga.
"Ito na yung binibili mo." Singhal nito.
Agad ko naman din 'to inabot at ibinigay ang bayad. Kumaripas ako ng takbo dahil alam kong galit pa rin si Aling Shion. Hindi na talaga ako nagtataka kung bakit siya tinawag na Aling Bingi.
--
Naikwento ko na ba na may anak si Aling Bingi? Kilala ang anak niya sa bansag na Aling Duling. Noong una ay hindi ko alam kung bakit Aling Duling ang tawag sa kanya hanggang sa napansin ko siya nang minsan ay bumili ako, hindi pantay ang kanyang magkabilang mata gayon pa man ay mababanaag mo sa kanya na mabait siya dahil makikita mo siyang nakangiti. Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso. Nakasanayan na sa ganoon siya tawagin lalo na ng mga pilyo kong kalaro.
Minsan naisip ko kung ano kaya ang tunay niyang pangalan? May nakakaalam kaya ng kanyang pangalan? May tumatawag pa kaya sa kanya sa kanyang tunay na pangalan?
--
Isang hapon ay pinabili ako ng aking tatay ng alcohol sa tindahan sa tawid-kalye. Lalaki ang nagmamay-ari ng tindahan at siya rin madalas ang nagtitinda.
Nang makarating na ako dun ay sinabi ko na ang aking bibilhin.
"Isa nga pong alcohol, Aling Bruno."
Inabot naman nito sa akin ang ipinamili at lumakad na pauwi. Nakita ako nila nanay na pauwi at saka ako tinanong,
"Saan ka bumili niyan?" Wika nito.
"Kanila Aling Bruno po." Magalang na sagot ko.
Nag-umpisa naman silang tumawa ng malakas. Hindi ko sila maintindihan dahil wala naman nakakatawa hanggang sa ipinaliwanag na sa akin ni nanay na hindi ko po pwedeng tawaging Ale ang isang lalake.
Simula noon ay nahihiya na akong bumili pa doon kaya hanggang maaari ay doon ako bumibili kanila Aling Shion.
--
Naranasan niyo na bang tawanan kayo ng tindera habang bumibili? Ako kasi halos buwan-buwan.
Hindi ko talaga alam kung bakit gustong-gusto ako utusan ng mga kapatid ko na bumili. Madalas ay paisa-isa ang utos nila kaya lagi akong nakasimangot sa kanila lalo na kapag ito ang pinabibili nila.
Nasa harap ako ng tindahan at hindi ko alam kung paano kovsasabihin sa tindera ang aking kailangan. Nahihiya talaga kasi ako.
Hindi na talaga ako nasanay na bumili ng sanitary napkin ng mga kapatid ko. Sa tuwing bibili kasi ako ay tinatawanan ako ng tindera na para bang may ginawa akong masama. Ayaw ko talaga ng pakiramdam na pinagtatawanan ako kaya nabubugnot talaga ako.
Kailan kaya ako matitigil na bumili ng napkin ng mga kapatid ko?
A/N: Hindi intensyon ng may akda ang magbigay insulto sa kahit kaninuman na may kapansanan bagkus ay inilahad lamang nito sa akda ang mga saloobin ng isang musmos.