Launchorasince 2014
← Stories

Lihim na Liham

Nagising ako ng tagaktak ang pawis habang habol ang aking hininga. Wari'y nakipaghabulan ako sa aking panaginip.

Natatandaan ko ang lahat. Mula sa maliliit na pangyayari hanggang sa kinahantungan ng lahat. Ako ang may kasalanan. Ako ang may gawa.

Pinilit kong kalimutan pero ayaw gumana. Pinilit kong iwaksi ngunit ayaw maalis.

Isang gabi noon, maliwanag ang paligid, puno ng ingay ng mga taong kagaya ko ay nakikisaya sa isang malaking pagdiriwang.

Masikip, waring sanay sila na ipagkiskisan ang kanilang balat sa bawat isa.
Mabaho, katulad ng amoy ng isang ligaw na patutunguhan.
Mainit, katulad ng bumbilyang nagsimulang magpatay-sindi at makigulo sa kasalukuyang nangyayari.

Hindi ko matiis kaya't lumabas ako ng bahay na 'yon. Doon ay tahimik at payapa. Malayo sa mga kabataang pilit na lumalayo sa tuwid na kalsada.

Dumampi sa balat ko ang malamig na simoy ng hangin kasabay ng paglipad ng hawak kong puting panyo.

Sa lakas ng hangin ay wala akong magawa kundi habulin ito at hayaang sundan  sa kung saan man siya mapapadpad.

At doon nagsimula ang lahat.

Isang lalaki ang nakatayo sa harapan ko. Ang suot niyang kulay pulang polo at hindi lagpas ng tuhod na pang-ibaba ang pinaka tumatak sa akin. Hindi man siya nakaharap sa akin ay ramdam ko ang maamo niyang muka.

Ang mukhang hinding-hindi ko malilimutan.

Humarap ka sa akin kasabay ng pagsibol ng matatamis mong ngiti. Hindi ko alam kung tao ka bang talaga dahil sa perpekto mong itsura. Lumapit ka sa akin kasabay ng pagluhod mo sa buhanginan habang ako ay nanatiling nakatayo sa harapan mo at hindi malaman ang gagawin.

Ang akala ko katulad ng pelikula ang magiging tapos nitong gabing ito. Ngunit nagkamali ako nang bigla kang tumayo at iabot sa akin ang panyong nagdala sa akin patungo sa'yo.

Hanggang sa ang prologo ng ating kwento ay mauwi sa pasidhi, kasukdulan, kakalasan at ang pang-huli ay wakas.

Wakas na ako ang naging dahilan.

Wakas na dahil sa isang pagkakamali ay nangyari ng biglaan.

Wakas na kailanman ay hindi na muli pang masisimulan.

Dahil sa akin ay nalulong ka sa bisyo. Bisyo na nagdala sa'yo sa bingit ng kamatayan at nagtulak sa'yo upang mauwi sa masaklap na katotohanan.

Bisyong pag-ibig lamang ang may dahilan.

Nag-iwan ka ng sulat na hindi ko alam kung paano sisimulan. Kung paanong ang taong minahal ko ay magpaalam sa kahuli-hulihang pagkakataon.

Ngunit nakapag-desisyon na 'ko. Ang liham na ito ay hindi magiging daan sa paghilom ng mga sugat na ibinigay ko sa iyo at sa akin. Ito ay magiging daan sa paglutas ng katotohanang ikaw lang ang may alam. Katotohanang kahit ang sarili ko ay hindi maintidihan.

Kaya't hayaan mong ang liham na ito ang makapagpatahimik ng dalawang pusong pinag-isa, at muling pinaghiwalay ng mapait na kapalaran.

-