Lobo. Hindi ko alam kung ano ang mas makinang noon: ang maliliit at malalayong ilaw na dumudungaw sa labas ng bintana, ang mainit na liwanag na nagmumula sa mumunting kandila sa aking harapan, ang makikintab na kubyertos sa mesang sinapinan ng puti, ang malusog at matambok na pulang lobong hugis-pusong dala mo, o ang puno at bilog na bilog na maluwalhating buwan.
Lobo. Ika-labing-apat ng Pebrero. Noon ito nangyari at tandang-tanda ko pa ang kapwa maaliwalas at nakakangawit ng luwag ng malinis na papel na pinagsulatan ko ng alaalang ito. Matatabang mga letra: pebrero. P e b r e r o. Dikit-dikit. Ika-labing-apat; sinulat ko pa ito nang buo.
Lobo. Naging mahaba-haba ang gabi. Binagtas din natin ang magkabilang dulo ng menu. Humingi tayo ng isang appetizer, main course, second course, inumin, at desert. Maligamgam na sabaw pampagising, umuusok na ano pa’t kundi sizzling, isang ulam na laging nakukulangan ng kanin. Magiging malalim pa sana ang gabi ngunit nagsimula nang humagulgol ang lobo sa labas.
Busog ang mga tiyan, mataba ang mga puso, dahan-dahan tayong bumaba mula sa restaurant papunta sa iyong kotse, ako’y iyong inakbayan, at dali-dali tayong nag-Mercedes pauwi. Kumakahol ang mga aso sa bawat kantong dinaanan natin. Tumigil lang sila nang nakatahan na tayo, mga kalahating oras malipas ang hatinggabi.
Tahimik lang buong magdamag, at halos makabibingi na ang paghinga nating dalawa. Ngunit nang alas-dos ay natagpuan tayo ng lobo at sinimulan muli nitong butasin ang buwan sa kanyang marahas na boses.
Nanaginip ako ng pula. Pula, pula, pula. Isinulat ko rin ito, sa papel at sa panaginip: pula, pula, pula sa pulang tinta. Lumulutang-lutang ang mga hugis-pusong sisidlan ng hangin. Punumpuno ang silid. Matambok ang mga letra, ang mga lobo, maging ang puting silid na parang unan. Wala ka roon sapagkat hindi kita nakita, ngunit nandoon ka dahil nakita kita sa aking mga nakita. Lobo, lobo, napakaraming malalambot na lobo. Kaysarap yakapin. Sila’y nakakagigil kaya tinangka kong putukin ang isa gamit ang panulat ko. Hinabol ko. Isa, dalawa, hindi maubus-ubos ngunit lahat ay lumilipad papalayo sa akin. Sa isang punto’y nagutom ako at huminto. Tumigil at tumingin sa paligid. Ngunit naghiwa-hiwalay ang mga pulang hugis-pusong lobo at may ipinakitang puting animal. Matalas ang tingin, na tila nakakapasong apoy sa gitna ng madilim na kuwarto. Sa ilalim niya’y ang maingay na lobo na ang tanging ingay ngayon ay hingalo. Itim ito, ngunit tila mapulang liwanag ang kumikislap nitong dugo. Katabi nito’y naliligo ang mga anak.
Naramdaman kong hawak ko’y kutsilyo. Natakot ako. Ngunit napakalakas na boses ang nagmula sa mga mata ng puting lobo: wala kang kinalaman dito. Matapos niya itong sabihin nang di ko alam kung paano, binitawan ng titig niya ang mga mata ko at dama ang kalayaan, napatingin ako sa kutsilyo. Ito’y para sa mantikilya lamang, at sa kabilang kamay ko ang tinidor. Lumapit ang puting lobo at ibinukas ang bibig. Mula sa kanyang dila ay tuyo’t malinis na pamunas.
Lobo. Pagkagising ko, dali-dali akong umalis at nakipag-unahan sa pagsilang ng araw. Bilog rin ito, ngunit mas mapagpatawad sa mata ng puting lobo. Inosente ang araw, ngunit nagdadala ng kulay pula.
Sinubukan kong tumakbo ngunit huli na. Ngayo’y ika-labing-apat ng Nobyembre. Bilog na ang buwang itinago ko. Naabutan mo ako sa pinto at tinawag para sa maalat na almusal. Alam ko na kung ano ang nasa hapag, sapagkat bakat sa kamay mo ang kulay pula ng itlog. Kabilugan na.
***
Nailathala sa Seniors Folio 2017 ng Heights noong Mayo 2017.