Katulad mo'y isa rin akong piraso
Nahati sa dalawa, tatlo, at nabiyak nang lubos
Nawala at biglang naglaho
Tinangay na pala ng malakas na hangin at inanod
Ngunit kagaya mo ay nandito pa rin ako
Nananatili at nagpapatuloy
Hinahanap ang mga pulo
Ng islang nawarak at lumubog
Patuloy na naghahanap ng tulay
Upang tuluyang mabuo
Hindi man katulad ng dati na makinis at walang galos
Ngayo'y may lamat na
Na dulot ng delubyo
Katulad mo'y isa rin akong piraso
Hindi man buo at may kulang pa'y, -- oo
Ako'y pirasong nangangarap at umaasang
Muling mabuo