#Songfic #Love [♫: Aimer - 茜さす (Crimson Painted)]
Sa isang tahimik na lugar malapit sa dalampasigan na pinapaligiran ng mga kogon at damuhan, isang lalaki at babae ang nagbabaybay habang pinagmamasdan ang pagpinta ng kulay pula sa kalangitan.
"Alam mo ba noon, gustong-gusto ko na naglalakad dito malapit sa dalampasigan tuwing papalubog ang araw? Hindi ko maintindihan pero parang nakakaramdam ako ng kaginhawaan sa tuwing pinagmamasdan ko ang paglubog nito habang sumusuray-suray sa daang ito," wika ng babae habang sya'y kasalukuyang naglalakad ng bahagya. Tila sya ay wala namang patutunguhan. Sa likod naman nya ay isang lalaking tila nakasunod lang sa kanya at nakatungo.
Nagpatuloy ang babae, "Dito mo ako unang nakita, 'di ba? Lasing na lasing ako noon dahil sa away ng mga magulang ko at pagtrato nila sa akin. Pakiramdam ko noo'y wala akong kuwenta."
"Tapos nakita mo ako na para bang nakakita ka ng multo. Dito kita nakilala. Napaka-cliche 'no?"
"Alam mo bang napakasaya ko noong pumasok ka sa buhay ko? Yung mga joke mo na di naman nakakatawa, sa sobrang kacornihan, pati aso mapapafacepalm. Yung mga braso mong napalawak na nadama ko noong kinarga mo ako sa likod mo nang napatid ako sa isang malaking bato. Yung mga panahong pinagluluto mo ako. Yung mga panahong pinaglaban mo ako sa mga magulang ko na nagsabi sa aking wala raw akong kuwenta. Sinubukan mo ngang matutong sumayaw dahil mahilig ako sa hip-hop. Ginawa mo ang lahat. Ilan lang iyan kung bakit ako napaibig sa'yo. Binuo mo ang pagkatao ko." Bigla napatigil ang babae. Napansin ito ng lalaki at napatingin sa kanya. Bigla itong napaupo kaya naman ay ginaya nya ito at napaupo nalang din. Hindi man lang nagsalita ang lalaki at patuloy lamang itong nakinig sa kanya.
"Mahal natin ang isa't-isa. Akala ko walang hanggan na, pero hindi ko inakala na hahantong pala tayo sa dulo." Biglang tumulo ang luha nya. Gustong man ng lalaki na punasan ang luha ng babaeng pinakamamahal nya, ay 'di nya magawa dahil may pumipigil sa loob nya. Ang tangi lang nyang nagawa ay pagmasdan sya.
"Masakit. Ang sakit... Sakit..." Bigla namang tumayo ang babae habang pinupunasan ang kanyang mga mata at tinitigan ang langit. Lumakad muli ito at siyang ginaya ng lalaki. Malapit nang lubos na lumubog ang araw. Ilang oras nalang at aalis na sya sa lugar na ito.
"Mahal na mahal kita. Kaya naman, sa pagkakataong ito, pinapalaya na kita. Sana ay maging masaya ka. At ako naman, sisikapin kong maging masaya, para sa'yo. Para sa sarili ko." Nakaharap na ang babaeng pinakamamahal nya at kitang-kita ng lalaki ang hinagpis sa mga mata nito ngunit kakakitaan rin ng bagong pag-asa upang bumangon sa pagkakalugmok.
"Mahal na mahal din kita. Patawad at hanggang dito na lamang tayo. Sana ay mapatawad mo ako." Sambit ng lalaki.
Limang minuto. Limang minuto na lamang ang natitira. Umikot na nagmasid ang babae, "Mamimiss ko ang lugar na ito." At sa huling sandali, kakakitaan sa babae ang isang ngiti. Ngiting puno man ng sakit, ay tila ba nagsasabing magiging ayos lang ang lahat. Saka nito iniwan ang lalaki at lumakad palayo.
Pag-ibig. Isang salitang na kinokonsiderang isang malaking bagay sa buhay ng tao. Isang bagay na hindi mo man mahawakan, ay mararamdaman. Isang damdaming bibigyan ka ng tamis at pighati.
Sa pagsabay ng pagsaboy ng hangin sa mga bulaklak ng kogon, isang bukas na puting pinto na may puting liwanag ang lumitaw sa unahan ng lalaki. Tumalikod ito at pinagmasdan muli ang sinisinta. Isang matamis na ngiti ang kanyang ibinigay saka tumungo sa pinto.