Launchorasince 2014
← Stories

Saglit


Sarili ko’y hinayaang manatili
Hindi na nagawa pang mamili
Pagkakaalam ko, ito’y sandali
Ako pala ay nagkakamali

Mga alaala nati’y hindi na mabilang
Tulad ng mga bituin sa kalangitan
Tila walang sawa ang pagkinang
Kailanma’y hindi magiging kulang

Sa paglapit mo, ako’y di aatras
Ibang pagkilos mo’y pansin nang madalas Pinaparamdam na tila walang bukas
Hindi hiniling na magkaroon ng wakas

Hanggang isang araw
Iba ay aking natanaw
Pagtatapos ay aking nadama
Nang nakita kang iba ang kasama

Ako’y pinasaya sa isang saglit
Maya-maya ngiti ko’y nawaglit
Kay bilis naman akong ipagpalit
Natitirang oras ay sa iba isinulit

Tuluyang naiwan na mag-isa
Ako’y nawalan na ng pag-asa
Nakayanan kong mapag-isa
Pinapanood kang mahulog sa iba

Ako’y hindi tuluyang nilisan
Sarili mo’y pinuno ng kasiguruhan
Na kailanma’y hindi kita aatrasan
Kahit ako’y hindi mo pasan

Alam mong pipiliin kita
Gayong ako’y hindi mo makita 
Para sa iyo’y magiging masaya
Itong saglit ay malapit na ang paglaya 

Tadhana ay hindi nagkakaila
Siya’y nasa tamang pila
Aking ibubulong sa mga tala
“Mali ang kaniyang inakala”