"Hindi natatapos ang pag-ikot
ng mga kamay ng orasan,
pero parang lagi tayong nagagahol.
Parang laging may hinahabol.
Aminin na nating lahat tayo
ay nagnanakaw ng oras.
Nagmamadali para sulitin
ang mga segundong nalalagas.
Alam n'yang ang habang buhay
ay pansamantala.
Kahit hindi mo nahahalata
ikaw itong tinitingala n'yang
pulang numero na bumibilang pababa.
Ikaw ang nagpapaalala sa kan'ya ng oras.
Sa bawat minutong lumilipas,
alam n'yang
ang walang hanggang ipinangako mo
ay hindi naman aabot bukas.
Ang paghigpit
ng kan'yang kapit
ay hudyat na handa na s'ya
sa iyong pagbitaw.
Sa oras na maging berde
ang mga pulang numero
na inyong tinitingala,
iyon ang paalala na
natatapos din ang paghihintay
at uusad din ang buhay--
kahit hindi na ikaw
ang kan'yang kasabay,
kahit pa may iba ka ng
hawak na kamay.
Hindi tumitigil sa pag-ikot ang orasan
at tulad kayo ng mga kamay nito,
pansamantalang magtatagpo
sa gitna ng isang numero--
ngunit maghihiwalay din sa dulo.
Ang bawat tibok ng minuto
at bawat pulso ng naglalahong segundo
ay kaway ng paglayo't pamamaalam.
Ang katahimikan ay pasasalamat
sa sandaling ipinahiram."