Bumili ng kwaderno
Dinagdag pa ang dalawang klase ng panulat
Isang permanente at isang nabubura
Binuklat ang mga pahina
Itiniklop at binuklat ulit
Walang pumapasok
Pinipiga, pinipilit
At tuluyang sumakit ang ulo ko.
Kailangan ng inspirasyon
Binuksan ang telebisyon
Patayan, showbiz, pulitika
Paulit-ulit, nakakaumay
Mabuti pang patayin na lamang.
Ibinaling ang atensyon
Sa teleponong kanina pa ay hawak-hawak
Mabagal ang signal, walang mapapala
Sa peysbuk o sa Twitter man
Isinaksak ang earphones
Pinatugtog ang paboritong tugtugin
Napatigil, nilakasan ang tunog
Nakinig ng mabuti, nariyan na naman siya.
Umaawit, nang-aakita, nagkikwento
Bawat liriko ay bumabagabag
Nahilo, nahulog sa patibong
Wala, wala akong maisip
Wala akong maisulat
Puro hangin ang nasa ulo.
May dinukot sa bulsa
Posporong iga ang bumungad
Tumungo sa kusina
Doon ay sinilaban ang dala dala
Sa pagitan ng mga huni ng pipit
Isang "ka-boom!" ang humalinghing
Pansamantalang nabulabog
Katahimikan ng paligid
Ilang kilometro mula sa payag
Tanaw ang nakasisilaw na liwanag
Walang mangahas lumapit
Kaharian nila'y tinupok at ginawang tigang.