Huwebes noon nang marinig ko muli ang kuwento ng pagmamahalan ni Eva at Adan;
Kung bakit, paano, kailan at saan sila nagsimula.
Kung bakit pa nga ba ginawa si Eva kung siya rin lang naman ang magsisilang sa kauna unahang kasalanan
Kung siya rin lang naman ang sisira sa mundong dating tahimik at puno ng tamis.
Mahal, hindi lang naman ikaw ang nagdurusa sa hindi maubos-ubos na katanungan
Naghahanap din ang isang tulad ko ng kasagutan sa tanong kung bakit pa nga ba tayo pinagtagpo kung hindi naman tayo itinadhana;
Kung bakit pa ba tayo ginawang tauhan sa isang kuwentong pag-ibig kung puro sakit at pait lang naman ang naibigay natin sa isa’t isa.
Oo, mahal, sa isa’t isa.
Dahil hindi lang naman ikaw ang nasaktan;
Hindi lang ikaw ang lumaban at nasugatan.
At iyon ang katotohanan.
Katotohanan ba ang nais mong malaman?
Dahil kung katotohanan lang rin naman,
ba’t hindi natin ungkatin ang ating nakaraan?
Balikan ang ating kuwentong mula pag-ibig ay naging trahedya
Balikan natin muli mahal hanggang sa matuklasan natin kung kailan natin inukit ang mga katagang “ayoko na” “sawa na ako” “lumayas ka ayoko na sayo”
Ang “di na kita mahal”
Ang “patawad” at ang “paalam”
At tama ka.
Maihahalintulad nga talaga ang ating pag-iibigan sa kuwento ni Eva at Adan.
Si Eva na ginawa ng Diyos para bigyan ka ng makakasama, makakausap sa mga panahong nalulungkot ka, magbibigay linaw sayo sa mga panahong naguguluhan ka.
Pero mahal mo ba siya?
Minahal mo ba siya?
Teka! Ako nga pala siya.
Siya na sinamahan ka sa tamis at pait;
Pinakinggan ka sa kabila ng ingay at gulo na nakapaligid sainyo;
Humawak sa mga kamay mo huwag mo lang maramdaman na mag-isa ka.
Mahal mo ba siya?
O ayaw mo lang talagang mag-isa?
Kaya hindi mo magawang bitawan siya.
Mahal, ako nga pala siya.
Siya na minahal ka ngunit napagod na.
Siya na kumapit sayo ngunit bumitaw na.
Pero ‘wag mo sanang kakalimutan na bago ako lumisan at pinili ang aking sarili ay umasa muna akong darating ang araw na ako naman ang uunahin mo;
Na bago ako tumalikod sa kung anong meron tayo at pumanig sa mali; pumanig sa kung anong makakasakit sayo ay naghintay muna ako na darating ang oras na ako naman ang sasamahan mo; na ako naman ang pakikinggan mo.
Ngunit, huwag mo sanang kamuhian ang ating nakaraan
Dahil ang bawat baybay, salita, kataga, pangungusap at talata ay naging instrumento ng ating pagmamahalan –
Masaya man o masakit;
Trahedya man ang kinahantungan o mas mainit na pag-iibigan,
Huwag mong kamuhian ang “tayo”
Oo nga pala
Wala nga palang tayo
May ikaw at may ako
At may sapat na agwat sa pagitan ng dalawang salitang ito para paghiwalayin pa ng isang pangngalan
Pang-ngalan na pwedeng maging ako
O ikaw
O siya
Sino nga ba ang salarin sa nangyaring hiwalayan?
Ako na lang.
Aakuin ko na lang ang lahat.
Kung iyon na ang naisulat sa kasaysayan,
Ako na lang ang may kasalanan.
Mahal, ako nga pala siya.
Ako nga pala si Eva na matagal ding umasang ikaw si Adan.
Patawad, hindi ka nga pala si Adan.