Launchorasince 2014
← Stories

Habang-buhay na Kabataan


Naisip mo na ba kung ano ang pwede nitong kalabasan?
Saan nga ba ang maaari nitong kahahantungan?
Mga tanong na dapat mong pag-isipan,
Bago ka magpalunod sa pita ng iyong laman. 

Isa kang biyaya ng maykapal.
Inaruga't inalagaan ng magulang mong mapagmahal
Ngunit anong nangyari? Nasayang mga pangangaral.
Napariwara ka, napabisyo't nagpabaya sa pag-aaral.

Araw araw uuwing may pasa sa katawan.
Gabi -gabi na lang ang ina mo ay lagi kang iniiyakan.
Hanggang kailan ka bang ganyan, wala ka na bang ibang libangan?
Di mo ba naiisip nararamdaman ng yong mga magulang?

Dulot mo ay puro na lamang pasakit.
Sa eskwelahan,  ulo ng guro mo sayo ay lagi na lang nag iinit. 
Bawat pangaral sayo ay may katumbas kang birit.
Wala na nga sayong makakapigil, kaya't sa Dyos ikaw na ay inilapit.

Hindi ka nakulangan sa paalala..
Pero ikaw mismo sa sarili mo ang makakapagpasya. 
Bilang kaibigan, ako sana ay iyong pakinggan.
Maghunos-dili ka sa yong kapusukan, nang di mauwi sa kapahamakan.

Lahat ng sinabi ko ay di mo kailangang intindihin.
Sa puso't diwa mo'y iyo na lamang pakaisipin
Mensahe ko'y iisa lang ang pinupunto't hangarin.
Yun ay malihis ka sa daang dulot lang ay buhay na madilim.

Paano na lamang ang iyong magiging kinabukasan?
Hindi ka namin maagang hinuhusgahan, pagkat wala kaming karapatan.
Ngunit ang simulang pinapakita mo ay natutungo sa iisang katapusan.
Habang-buhay ang 'yong  kabataan, pagkat di mo na aabutan ang iyong katandaan.