Launchorasince 2014
← Stories

Ikaw at Ako

Andito ka, katabi mo ako.

Nakasandal sa balikat mo.

Panahon na ba para mag usap tayo?


Naramdaman mo na siguro.

Mayroon ng nagbabago.

Aamin na ba tayo?


Sinimulan ko, ngunit pinigil mo.

Di sinasadyang tumulo ang luha ko.

Oras na ba para tapusin ang lihim?


Sa oras na to gusto kong aminin ang lahat sayo. Na hindi ko alam kung paano pero parang tuluyan na kong nahuhulog sayo. Hindi ko lang magawa dahil natatakot ako. Natatakot akong sa pagbitaw ko at pagtalon ay wala ka naman para saluhin ako.


Oo, mahal kita. Sana ramdam mo yun. Sana hindi, sana hindi pala. Wag mo na lang ramdamin kung hindi mo rin maibabalik. Kasi aminin mo man o hindi, alam kong wala naman talaga akong bigat sayo. Oo, masaya tayo, pag tayo ang magkasama. Oo, ang mga halik at yakap mo ang gumigising at nagpapahimbing sa katulad ko. Oo, alam kong mali dahil nung una pa lang alam kong delikado to. Alam kong mali lalo na't nagsimula to ng may  kasintahan ako.


Alam nating dalawa yun, pero itinuloy natin to.

Sa totoo lang noon ay mas mariin ang yapos mo.

Para bang, sinasabi mong sana ako'y iyo.


Ikaw ang kapiling mula umaga hanggang gabi.

Kama mo'y kama ko at ganun rin sa akin.

Makasalanang panahong pinagsaluhan natin.


Hanggang dumating ang araw na hindi ko na kinaya.

Bumitaw ako sa nauna upang maging malaya na.

Isang malaki yatang pagkakamali ko na..


Heto.

Pinagbabayaran ko ngayon.

Sa pagbitaw ko sa kanya'y bibitaw ka na rin sakin.


Ngayo'y naiintindihan ko na ang aking nararamdaman. Sa pangungulila sa kanya'y dumating ka. Sa pagsabik sa labi nya'y humalik ka, at sa halip na bisig nya ang hagkan ko ay iyo ang yumapos sakin. Ikaw ang nakinig sa araw araw kong hinanakit at dalangin. Ikaw ang nagpangiti sa akin. Ikaw ang tumingin sakin ng mata sa mata at nagsabing, "Nais kitang makapiling.".


Nagkamali ako, at sa pagkakamali ko'y sinamahan mo ako.


Ipinaramdam mo sa akin na gusto mo ako. Gustong gusto mo at nanggigigil ka pa sakin. Sa bawat yakap na parang ayaw mo ng bumitaw at sa bawat halik na tila ayaw mo ng itigil. Na sana'y ikaw na lang ang may karapatan at ikaw na lang.. na ikaw lang.


Ng magkaroon ng pagkakataon ay tinapos ko ang una.

Sa pag aakalang magsisimula ang ating dalawa.


Ako'y nagkamali.

Andito ka, andito ako.

Natapos tayo ng hindi nagsisimula.