Are you sure you want to report this content?
“Ohh, taya! Taya! Ilapag niyo na ang mga taya ninyo!”
“Rrrrr- arf! Arf!”
“And now the end is near...”
“Putputputaaaak-tak-kataaaak!”
“... And so I face the final curtain”
Guro: “Saman-- lang-- ang pangungu--- ay dinagda-- ‘di pang-karaniwang--”
Biboy: “Ano ba ‘yan? Eh halos hindi ko na maintindihan yung asignatura na tinuturo ni Ma’am eh. Sobrang hina talaga ng data, Nay. Dagdagan pa na mukhang pasira na ‘tong selpon natin.”
Narrator: Sa sala kasama ang kanyang inay at itay, ito ang kadalasang sitwasyon ni Biboy tuwing nag-oonline class siya.
Nanay: “Naku, anak, pagpasensyahan mo na kung kailangan niyong pagtiisan ‘yan. ‘Di bale, pag tapos na itong pandemya magdodoble kayod si Nanay sa paglalako pambili ng isa pang selpon.”
Tatay: “Di na kailangan, Perla. Hindi naman siguro ganun katagal ang pagtitiis nila. Mas marami pa tayong kailangan i-prayoridad kaysa sa selpon na ‘yan.”
Biboy: “Paano naman po kasi, Tay, dalawa sa aming magkakapatid ay kailangan mag-absent para makapasok ang isa. ‘Di naman kami niyan matututo kung putol-putol ang pagpasok, ‘di po ba?”
Tatay: “Ito kasing quarantine na ‘to. Eh lagnat lang naman ‘yan eh. Pati tuloy ‘yung mga naghahanapbuhay apektado. Buti sana kung buong quarantine may ayuda.”
Nanay: “Aba, Berting, hindi naman yun basta basta lagnat lang. Maraming namamatay dahil dun.”
Tatay: “Eh mas mauuna pa yata akong mamamatay nang dahil sa gutom eh. Hindi dahil sa virus! Dalawang delata sa limang miyembro ng pamilya?” *tumawa ng sarkastiko*
Biboy: “Tay, kailangan pa rin po natin mag-doble ingat. Ang pagkain nagagawan ng paraan. Pero ang sakit? Baka hindi na.”
Nanay: “O siya, siya! Bago pa kayo magdebate diyan ng anak mo, maglako na tayo ng kakanin. Biboy, yung mga kapatid mo ha? Ikaw na munang bahala. Alis na kami ng tatay niyo.”
Narrator: Umalis ang mag-asawa upang ilako ang tinitindang kakanin. Samantalang naiwan si Biboy kasama ang kanyang mga kapatid.
Biboy: “Oo nga pala. Kailangan kong itsek baka may nakaligtaan akong exam. Naku! Patay! May ipinapasagot nga sa amin pero hanggang alas tres lang. Anong oras na?! 2:45?! May load pa naman ata ‘to. Sagutan ko na muna.”
(Sa sobrang taranta ni Biboy ay halos hindi na niya nababasa nang maayos ang mga katanungan at ang sa tanging isip niya ay maipasa niya lang ang quiz sa tamang oras.)
Narrator: Hindi nagtagal ay nasa huling bilang na si Biboy.
Biboy: “Twenty… Letter C. Okay! 2:55 pa lang. *huminga nang malalim* Please! Please! SUBMIT!”
TING!
Biboy: “Your Go50 promo has expired… Patay! Anong gagawin ko? Ta? Tata! May pera ka ba diyan? Sekwenta? Bente? Meron ba? Expired na pala itong load eh. Wala pang iniwan sina Nanay.”
Tata: “Kuya, wala eh. Wala talaga akong pera dito. Paano ‘yan?”
Biboy: “Ay, teka! Yung-- yung alkansiya ko, Ta! Kunin mo sa kwarto! Bilis!”
Narrator: Agad kinuha ni Tata ang alkansiya ng kanyang kapatid na ngayon ay may hawak ng martilyo. Walang pagdadalawang isip itong biniak ni Biboy at ang nagkalat na mga barya ay kanyang tinipon. Pagdating sa tindahan, agad niyang inabot ang barya-baryang sekwenta.
Biboy: “Ate, paload ho! Sekwenta yan.”
Ate: “Anong number?”
Biboy: “09176836582!”
Ate: “Sandali! Dahan-dahan lang naman.”
Biboy: “0917-- Ate, pakibilisan lang po. Pasensya na.”
Ate: “Aba aba! ‘Wag mo kong minamadali. Oh! 17--”
Biboy: “--6836. *pabulong* Dalawang minuto nalang. --582.”
Ate: “--582. Oh, nasend ko na. Ayan na ba?”
TING!
Biboy: “Ate, okay na po. 2:59. Isang minuto na lang. Please. Please. SUBMIT.”
Narrator: Nanlulula ang mga mata ni Biboy na tutok sa i-screen ng selpon. At sa buong isang minutong natitira ay panay na pagdarasal niya sa lahat ng mga anghel at santo pati na sa diyos ng internet. At sa pagpatak ng alas tres…
Biboy: “Quiz submitted! Yes! Panginoon, salamat! Salamat! Yes!”
Narrator: Walang maihahambing sa kasiyahan na nadarama ni Biboy. Ang kanyang ngiting umaapaw pa sa kaharian ng tinawag niyang diyos. Ngunit ang isang panandaliang kasiyahan ay siya rin palang mauudlot.
Biboy: “Magnanakaaaaaw!”
Magnanakaw: “Takbo! Takbo! ‘Wag na ‘wag ka lang magpapahuli. Takbo lang."
Biboy: "Ang selpon ko! Magnanakaw!"
Magnanakaw: "Wag kang tumalikod. Isipin mo may kailangan kang uwian. May nag-aantay sa bahay mo. Nag-aantay ang anak mo. Takbo!”
Biboy: “Akin 'yan! Kailangan ko 'yan!”
Magnanakaw: “Patawad. Alam kong kailangan mo to sa pag-aaral. Pero kailangan rin ng anak ko ito upang makapagtapos.”
Biboy: “Hoy! Ibalik mo yan. Gagamitin pa ng kapatid ko yan! Magnana-”
BEEEEEEEEEEEEEP!
Magnanakaw:*napatigil ng takbo at hinahabol ang hininga*
“Naku! Yung bata! Nasagasaan!”
“May dugo!”
“Gumagalaw pa ba?”
“Lapitan natin!”
“Wag! Baka may virus yan.”
“Tulong! Tumawag kayo ng tulong!”
Narrator: Tumigil sa paggalaw ang paligid ng magnanakaw. Tanging sariling hininga ang kanyang naririnig pero kahit ito pala ay nakabibingi. Hindi niya namalayan na siya pala ay nanginginig na. Nababalutan ng takot, ng kaba at ng walang kasiguraduhan. Biglang naging mabigat ang kanyang dala-dala na parang tinatahak siya nito sa ‘di tiyak na lugar. Ngunit isang pamilyar na tunog ang bumuhay at nagpabalik sa kanyang kamulatan. TING! Dahan-dahan niyang binuksan ang basaging selpon sa nanginginig niyang kamay at isang mensahe ang bumulagta sa kanyang mga mata…
“Deadline for submission has been rescheduled.”
51 Launches
Part of the Happenings collection
Published on November 29, 2020
(0)
Characters left :
Category
You can edit published STORIES
Are you sure you want to delete this opinion?
Are you sure you want to delete this reply?
Are you sure you want to report this content?
This content has been reported as inappropriate. Our team will look into it ASAP. Thank You!
By signing up you agree to Launchora's Terms & Policies.
By signing up you agree to Launchora's Terms & Policies.