Launchorasince 2014
← Stories

Paalam Na Naman

11/02/17 - 5:58AM

Heto na naman ba tayo?
Palagi na lang bang ganito?
Paulit ulit na pero damdamin ko'y di nagbabago
Masyadong mabigat pero kasi ito ang husto.

Gusto kong kumalas sa masakit na katotohanan
Na kung pwede lang ayoko nang ulit maranasan
Ang pangyayaring walang bahid ng kahilingan
O ni katiting man lang ng aking kasabikan.

Ayoko na muna sanang tanggapin at maramdaman
Na ako'y mawawalay muli sa aming munting tahanan.
Ang nais ko lamang ay aking mabalik-balikan
Mga araw ng aming masayang pagsasamahan.

Pero.. Ngunit.. Sapagkat paano ko nga ba mapipigilan
Kung sa una pa lang ay akin nang naumpisahan
Ang desisyong ito na kailanma'y di ko namalayan
Na dadalhin pala ako sa walang hanggang kalungkutan.

Pasensya na pero ayoko pa, ayoko muna
Huwag lang sana ngayon kung pwede bukas pa
Hindi na ba maaaring humiling ng isang tiyansa
Na mabigyan muli ng pagkakataong maging maligaya?

Oo.. Hindi.. Wala. Walang sagot kung maaari
Isip ko'y di mapigilan at kasinggulo ng bahaghari
Di lamang kulay dahil pati mga alaala'y sari-sari
Bumabalik, pasok, labas - ang ulo ko'y nilalagari.

Heto na naman tayo; palagi nalang ganito.
Paulit-ulit na pero damdamin ko'y kailangang magbago.
Masyadong mabigat pero ito ang husto
Dahil paalam - paalam na naman, mahal ko.

7:08AM