Ang ganda pala panoorin ng mga puno; ng mga dahon nitong kumakaway kaway pa mula sa malayo. Ang ganda rin palang pagmasdan ang mga ulap kahit na hindi naman ako sigurado sa kung anong nais nitong iparating. Yung dagat; Hindi ba ang gaan sa pakiramdam pagmasdan ng mga alon? Kung paano sila umaalis at bumabalik.. Kung paano nila iniiwan ang dalampasigan at binabalikan. Yung city lights; pasensya na di ko alam ang katumbas na salita nito sa filipino, pero hindi ba ang saya rin titigan ng mga ilaw at gusali? Na parang napakalaki mong tao para makita ang isang buong lungsod. Pero ayos lang bang sa kabila ng kagandahan nito ay kalungkutan ang nararamdaman ko? Ayos lang bang sa bawat pagtitig sa bawat pagmasid ay ikaw ang naaalala ko? Ang mga masasayang ala-alang sabay nating binuo sa ilalim ng araw, ng buwan at mga bituin.. Sa harap ng dagat at ng mga puno.
Naaalala mo pa ba ang mga iyon? Yung unang beses mong pinawi ang takot ko na mahulog sabay sabing "wag kang magalala dahil hindi ko hahayaang mahulog ka" Yung unang beses na kinailangan ko ang mga kamay mo dahil kabang kaba ako na tumayo sa entablado pero sinagot mo akong "kaya mo yan, ikaw pa!" Yung ikaw din ang unang taong nakatanggap sa buong pagkatao ko. Na sa bawat pagkakamali ko sinasagot mo ako ng "Okay lang yan, Idol pa rin kita!" Yung libo libong beses na nasaktan kita dahil sa takot kong magtiwala, yung paulit ulit kitang itinataboy kasi ayoko nang masaktan ka pa. Pero ang sabi mo lang "dito lang ako, di ka na ulit maiiwang magisa" Pero mahal, may expiration date ka rin pala. Parang yung paborito kong pagkain na pinipigilan kong kainin dahil ayoko itong maubos. Parang yung mga padalang tsokolate ng ninang ko na ayokong ipamigay dahil ayokong mawalan. Patawarin mo ako dahil hindi ko na naisip na kahit anong pilit kong itago at panatilihin ang isang bagay saakin, mawawala at mawawala pa rin ito sa akin. Sana pala kinain ko na lang yun. Sana pala namigay na lang ako ng mga tsokalate. Para hindi sila nasira at nasayang lang. Sana pala minahal na rin kita, pinaniwalaan at pinagkatiwalaan. Para hindi ka na nawala.
Kaya ngayon, iniisip ko na lang na para na lang tayong mga puno. Hanggang kaway na lang tayo sa isat isa mula sa malayo. Para ka na lang na mga ulap na pagmamasdan ko na lang, umaasang mapapatingin at ngingiti kahit hindi ko alam kung anong nais iparating ng mga tingin at mga ngiti mo. Na para ka na lang na mga alon sa dagat; dumating ngunit umalis din. Na para ka na lang city lights na napakaliit at napakalayo na hindi ko na pwedeng mahawakan at hanggang tingin na lang.
Kaya mahal, patawarin mo na lang ako kung hindi kita minahal agad. Iintindihin ko na lang na hindi talaga madaling maghintay sa taong hindi pa handang magmahal. Pero sana kahit konti pa, kahit minsan lang, kahit hanggang ngayon na lang, naghintay ka pa.