"Sino ba ako sa buhay mo?"
"May halaga na nga ba ako sa iyo?"
"Ano ba talaga ang status natin?"
"Laro-laro lang ba ang lahat?"
Yan ang mga tanong na kasalukuyang gumugulo sa aking isipan. Hindi ko lubos maisip na ganun katindi ang tama ko sa'yo.
Babae ako. Ngunit, isa ako sa mga babaeng parang lalaki kung umasta. Bakit nga ba ganun? Ba't ba ako parang lalaki kung kumilos? Yung tipong aakalain ng iba ay tibo ako. Pero pakiramdam ko kasi, lalaki ako eh. Kasi pinapakita ko at sinasabi ko sa mga kaibigan kong lalaki kung ano at paano nga ba dapat alagaan ang mga babaeng mamahalin nila.
Ito'y marahil isa ako sa libu-libong babaeng nakaranas ng pait at paghihinagpis dulot ng pana ni Mister Kupido. Oo, nasaktan ako ng sobra dahil sa panloloko ng ex-boyfriend ko. Apat na taon ang nasayang dahil lang sa mga babaeng malandi at hindi marunong lumugar, at pati na rin sa mga lalaking walang bayag na kung makapanloko ay akala mong wala silang nanay o di kaya'y kapatid na babae na maaari ring makaranas nito.
Masyado bang "bitter" pakinggan yung statement ko? Bitter na kung bitter. Lahat tayo ay makakaranas talaga ng stage na kasusuklaman natin ang pag-ibig. Pero may darating din naman talagang isang tao na biglang babago ulit sa iyong pananaw sa pag-ibig.
May nakilala akong lalaki sa isang social networking site na kilala rin bilang isang "dating" site. Anonymous siya dahil wala siyang larawan sa kanyang account. Pero sasabihin ko na na-impress ako sa bio niya. Nagsimula ang lahat sa "Hey" na panimulang bati niya. At dahil bored ako at walang magawa, sinagot ko ang bati niya ng lyrics ng isang kanta. Doon nagsimula ang lahat.
Siya lang ata yung lalaking nakilala ko na hindi aggressive makipag-eyeball dahil natatakot siya. Natatawa ako sa kanya pero naiisip ko, "Ang cute niya." Isa siya sa mga lalaking matigas din talaga ang ulo pero keri pa rin. Tanong dito, tanong doon hanggang sa sinabi kong gusto ko na talaga siyang makita. Ngunit, nabigo ako.
Araw-araw kaming nagcha-chat hanggang sa nakapag-desisyon akong mag-deactivate sa site na iyon. Pero teka, bakit parang mami-miss ko siya? Ba't nag-iba yung pintig ng puso ko? Nadagdagan pa ito nang sabihin niyang mami-miss niya ako. Hindi ko alam anong pumasok sa utak ko at sinagot ko siya ng ako rin. At dun na nagsimulang magpalitan ng mga numero. Naging textmates kami at nakapagdecide na rin na magmeet na in person. We met at a coffee shop and it was nice.
Kahit nasa iisang siyudad lang kami, magkaiba ang timezone namin. Trabaho ko'y sa umaga, siya nama'y sa gabi. Ngunit kahit ganoon yung set-up namin, di kami nawawalan ng oras sa isa't isa. Habang tumatagal, nagkagusto ako sa kanya. Inamin kong nagustuhan ko siya sa hindi ko maipaliwanag na rason. Ngunit nasisiguro kong isa dun sa kung anumang rason kung bat nagustuhan ko siya ay dahil pinaramdam niya sa akin kung paano maging isang babae ulit.
Biglang hindi ko maintindihan yung isang gabing biglang lumalim ang aming usapan at tila'y naging seryoso na. Hindi ko alam kung bakit ngunit tinutulak niya ako palayo. Pinagsasabihan niya akong hindi dapat ako ma-fall sa kanya dahil hindi "raw" siya karapat-dapat para sa akin. Natapos ang gabi nang hindi ko alam ang sagot sa aking mga "bakit". Ngunit nangako akong hihintayin ko siya pagkatapos ng isang buwan, bumalik man siya o hindi.
Halos isang linggo ang lumipas nang bigla siyang magtext ulit. Nagkamustahan sa isa't isa. Pinipigilan ko ang sarili kong maging malambing sa kanya upang hindi niya mahalatang nami-miss ko siya. Nagkaroon din ako ng pagkakataong maitanong sa kanya ang mga "bakit" na natago sa aking utak nung biglang iwan niya ko sa ere. Doon ko nalaman na nahuhulog na pala siya sa 'kin. Pero sa kasalukuyan ay kailangan pa raw niyang ayusin ang kanyang sarili para maging okay ang lahat. Naiintindihan ko siya sabay sabing "Just fix yourself tapos tell me when you're ready. :)", at sa utak ko "Dahil sasaluhin kita kapag nahulog ka na ng tuluyan."
Magda-dalawang linggo na simula nung hindi na siya nagtext ulit. Matagal-tagal pa rin bago mag-isang buwan na babalik siya. Heto ako ngayon, nalulungkot. Nami-miss ko siya araw-araw habang umaasa na kapag umilaw ang aking cellphone ay pangalan niya ang una kong makikita. Ngunit alam kong imposible yun. Kaya't andaming tanong na tumatakbo sa isipan ko ngayon.
Babae nga ako dahil naramdaman ko na naman ulit kung paano masaktan. Hindi ko pa masasabing mahal ko na siya dahil sa totoo lang, nahihirapan na akong magmahal ulit. Ganoon naman talaga sa pag-ibig, diba? Hindi ka tunay na nagmahal kung hindi ka nasaktan. Ayoko nang masaktan pa. But for him, I am very willing to take the risk if he is worth the shot.
"I'll still wait for you. Babalik ka man o hindi pagkatapos ng isang buwan, hihintayin pa rin kita."