Are you sure you want to report this content?
Illustration by @luciesalgado
Ang ingay ng mga rumaragasang sasakyan ang patuloy na bumubuhay sa masalimuot na pakikitungo sa akin ng mundo. Ang nagliliparang alikabok sa sinag ng araw ang dahilan pa kung bakit paulit-ulit na nasisira ang natitirang pundasyon ng aking sistema.
Masaklap na katotohanan. Wala akong magawa kundi tanggapin ang aking kapalaran.
Matingkad na mga ilawan mula sa kalawakan ang nanatiling nagpapayapa sa sumisidhi kong nararamdaman. Ang liwanag ng buwan na gumagabay sa bawat hakbang ko patungo sa dulo. Ang hangin na dumadampi sa aking balat ang nagpapaalala na kasalanan nito ang lahat. Kung sana mas naging malakas ang aking baga, hindi ko na sana hihilingin na maging kasinglinis ng hangin sa umaga ang nalalanghap ko dito sa pinakamataas na palapag. At hindi rin ako hahantong sa puntong ito, na magpapalam ako sa lahat.
“Salamat. Naging malupit man sa akin ang mundo, ipinagpapasalamat ko pa rin na nabuhay ako at naranasan ko ang maraming bagay. Ngunit, sa tingin ko, hindi iyon sapat para gustuhin ko pang mabuhay.” Sinalubong ako ng isang tahimik na tanawin, bumubulong na walang sinoman ang makasasaksi sa isang taong wawasakin ang sarili.
Sa huli, pinakiramdaman ko ang mundong minsang kumupkop at tumalikod sa akin.
“Ganito mo na lang ba tatapusin ang lahat?” Lumingon ako at nakita ko ang isang lalaking nakahiga na nakatingin sa langit. Ngumiti siya. Teka, sino siya? Paano siya nakapunta dito? Bakit hindi ko man lang siya napansin?
“Ang ganda mo kapag nakakunot ang noo mo…” tinapunan niya ako ng tingin. “At gusto ko pa ulit makita iyon.”
“Sino ka?” ang tangi ko lamang nabanggit.
“Gabriel. Ang iyong anghel.” Tumayo siya at pinagpagan ang kanyang suot. Ang lalaking itinuturing ang sarili niyang anghel ko ay lumapit sa akin at niyakap ako.
“Ano bang problema mo?!” Hindi ko na napigilan ang sumigaw nang dahil sa ginawa niya. “Wala na akong oras na makipaglokohan pa sa baliw na katulad mo. Bitiwan mo ako.” Nagpumiglas ako.
Narinig kong ngumiti muna siya bago tumugon.
“Hindi porket hindi naging mabaho ang simoy ng hangin sa araw na ito, palagi na lang ganoon ang mangyayari. Langhapin mo ngayon, hindi ba napakabango? Ang sarap sa pakiramdam.” At saka siya suminghot.
“Sino ka ba talaga? ‘Wag ka ngang magpanggap na meron kang alam tungkol sa ‘kin.”
“Kilala kita. Kilalang-kilala. Marami akong alam tungkol sa iyo. Mas marami pa sa inaakala mo. Hindi mo lang ako napapansin sapagkat lagi lang akong nasa likod mo. Ako ang iyong anino.”
“Hah?! Kanina anghel, ngayon naman anino? Napapraning ka na.” Napailing na lang ako saka pinukpok ang kanyang likod sapagkat hindi pa rin siya bumibitaw sa pagyakap sa akin.
“Pero sa tingin ko, hindi na ako anino ngayon...” Ngumiti siya. “Siguro paninindigan ko ang maging anghel mo. Dapat pala magpasalamat ka sa akin, kasi kung hindi ako dumating, baka pinagkakaguluhan na ang buto mo at wasak-wasak na utak diyan sa baba.” Sa wakas, kinalas din niya ang pagyakap sa akin. Nakakatakot ang lalaking ito, hindi ko pa siya nakikita sa buong buhay ko pero kung makaasta siya akala mo kung sino.
“Ang balak ko naman simula kanina ay magpakamatay, pero dinaldal mo ko kaya naudlot. Dapat kanina pa ako namamayapa at wala nang problema, kaya hindi ko dapat ipagpasalamat ang paggugulo mo sa akin.”
“Hindi ko akalaing isa kang malaking duwag. Kung sa tingin mo mawawala lahat ng problema mo kapag namatay ka, pwes, mali ka. Mas lalo mo lang palalalain ang lahat kapag bigla ka na lang tumakas. Kapag patay ka na, wala ka nang magagawa para linisin ang lahat, para baguhin ang kailangan baguhin, para matuto... na panigurado akong pagsisisihan mo kapag umalis ka dito sa mundo.”
“May sakit ako. Wala akong kwenta. Wala na kong pwedeng gawin. Mamamatay na rin naman ako kaya ba’t hindi ko pa agahan? Ganoon din naman iyon. Atlis kung mamamatay ako ngayon, hindi na madadagdagan pa ang pasanin ko pati na rin ang pagiging pabigat ko sa mga minamahal ko.”
“Mamamatay ka kapag hindi ka lumaban. Mamamatay ka kapag inisip mong gano’n nga ang kapalaran mo. At saka, sinong nagsabi sa 'yong wala kang pwedeng gawin? Ikaw lang ang nag-iisip no'n. Kung akala mo pabigat ka, para sa akin hindi, dahil ikaw ang nagpapagaan sa bawat araw ko.”
Humiga ako sa sahig at tinitigan ang langit. Lumulutang ang mga bituin sa gitna ng kadiliman. Napakagandang tanawin na alam kong paulit-ulit kong hahanap-hanapin. Nagpapatunay na kung hindi man maganda ang hatid sa akin ng umaga ay mayroon namang naghihintay sa akin kapag dumalaw ang gabi. Napangiti ako sa mga napagtanto ko. Wala man siya sa tabi ko, palagi pa rin akong dadalawin ng alaalang iyon. Magsisilbi iyong babala sa tuwing iisipin kong tapusin ang sarili.
“Salamat Gabriel. Sa pangalawang pagkakataon, niligtas mo na naman ako,” bulong ko sa hangin.
(c) Zaf Lewis
April 07, 017
38 Launches
Part of the Life collection
Updated on April 09, 2017
(0)
Characters left :
Category
You can edit published STORIES
Are you sure you want to delete this opinion?
Are you sure you want to delete this reply?
Are you sure you want to report this content?
This content has been reported as inappropriate. Our team will look into it ASAP. Thank You!
By signing up you agree to Launchora's Terms & Policies.
By signing up you agree to Launchora's Terms & Policies.